Wesley So, Karangalan sa Larangan ng Ahedres

GM Wesley So, 16 y.o.

GM Wesley So, 16 y.o.

Alam nyo ba na maliban kay Manny “Pacman” Pacquiao ay may isang batang Pinoy na patuloy na nagbibigay ng karangalan sa bansa sa larangan ng isports? Ang batang manlalaro ng ahedres an si Wesley So edad labing-anim ay patuloy na namamayagpag ngayon sa Khanty-Mansiysk, Russia para sa World Cup Chess 2009. Isa si So sa mga delegadong Pilipino na naglaro sa taunang kaganapan sa larangan ng ahedres. Sa mga manlalarong Pinoy na sumali sa paligsahan ng talas ng isip na ito ay siya na lamang ang naiwan at patuloy na umaani ng papuri at kasikatan mula sa mga banyagang manlalaro. Mangyaring ang batang si So ay tinalo ang mga kilalang personalidad sa larangan na ito kabilang na ang grandmaster ng Ukraine na si Vassily Ivanchuk at ng America na si Gata Khamsky.

Bago pa man ang kaganapang ito, si Wesley So ay nanalo na nung nakaraang Enero at Pebrero ng taon na’to ang mga popular na mga torneo na Aeroflot 2009 Junior category and Corus 2009 Category C. Sa kasalukuyan, ay patuloy pa rin nakikipaglaban si Wesley So para makapasok sa susunod na antas ng palaro.

Dahil sa kanyang mga nakamit na tagumpay, patuloy itong nagbibigay ng inspirasyon sa mga manlalaro ng Pilipinas. Sana ay maging hudyat ito ng magandang suporta mula sa pamahalaan ng bansa at gumawa ng mga kapakipakinabang na programa na naayon sa pagpapabuti ng isports na to sa bansa.

Wesley So, kaya mo yan at ipagpatuloy mo ang iyong nasimulan. Kami ay nasa likod mo lamang at patuloy na nagdadasal sa iyong tagumpay!

Update 12-3-2009: Hindi na nakausad sa susunod na round si Wesley So subalit ang kanyang nakamit sa patimpalak nato ay isang hudyat ng magandang kinabukasan nya sa larangan ng chess at malaking karangalan na sa Pilipinas. Congratulations, Wesley!