
Manny "Pacman" Pacquiao
Muli namang pinarangalan ang sikat na pinoy na si Manny “Pacman” Pacquiao bilang “Athlete of the Decade” ng Philippine Sportswriter Association (PSA). Ibibigay ang ganitong karangalan sa darating na ika-1 ng Marso ngayong taon sa Manila Hotel sa taunang awards night ng organisasyon ng mga sportswriter.
Si Manny Pacquiao ay dating nagtitinda lamang ng tinapay at nagtatrabaho bilang construction worker bago naging isang sikat na boksingero. Marami ang nagsasabi na hindi inaakala na makakarating si Pacquiao sa kanyang kinaroroonan ngayon. Kahit si Freddie Roach ay nagsasabi na hindi niya inakala na ganito ang maaabot ng kanyang alaga mula ng magsimula siyang magsanay nito noong taong 2001.
Ngayon nga ay si Pacquiao lamang ang kaunaunahang boksingero nakapagtala ng pitong world titles sa boksing na kinabibilangan ng flyweight, super-bantamweight, featherweight, junior lightweight, lightweight, junior welterweight, at welterweight na kamakailan lamang niya nakamit matapos niyang maknock-out si Cotto sa kanilang nakaraang laban sa Las Vegas.
Sa darating na Marso 13, 2010 ay sasabak muli ang kampeon na pinoy laban kay Joshua Clottey ng Ghana sa Cowboys Stadium sa Texas.
Mabuhay ka Manny Pacquiao! Ikaw ang siyang nagpapatunay na talagang sikat ang pinoy sa buong mundo.