Panandalian po lamang naming sinisingit ang ulat panahon na ito upang mabigyan ng kaukulang impormasyon ang mga pinoy na maaring maapektuhan ng panahon ngayon.
Ang Kalakhang Maynila ay makakaranas ng madalas na maulap na kalangitan na may pulu-pulong dagliang pag-ulan. Katamtaman hanggang sa malakas na hangin mula sa hilagang-silangan ang iiral at ang Look ng Maynila ay katamtaman hanggang sa maalon. Ang tinatayang agwat ng temperatura ay mula 20 hanggang 31 antas ng Sentigrado (68°F hanggang 88°F).
Ang Katimugang Luzon, Kabisayaan at Mindanao ay makakaranas ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog-pagkidlat na magiging malawakan ang mga pag-ulan sa Gitna at Silangang Kabisayaan na maaaring magdulot ng mga pagbaha at pagguho ng lupa. Ang silangang bahagi ng Luzon ay magkakaroon ng madalas na maulap na kalangitan na may kalat-kalat na mahinang pag-ulan. Ang nalalabing bahagi ng Luzon ay magiging bahagya hanggang sa maulap na may pulu-pulong mahinang pag-ulan.
Katamtaman hanggang sa malakas na hangin mula sa hilagang-silangan ang iiral sa buong kapuluan at ang mga baybaying dagat ay magiging katamtaman hanggang sa maalon. – Mula sa PAGASA
Maging mapagmatyag, huwag maging biktima at laging maging handa sa ano mang sakuna – Ulat Panahon mula sa Laganap.com.
