
Efren Penaflorida Jr. at ang Kariton Klasrum
Isa sa mga Pilipinong nagbibigay ngayon ng inspirasyon sa maraming pinoy na nasaang dako ng mundo at Pilipinas ay si Efren Peñaflorida. Siya ang kaunaunahang nilalang na maka-ani ng papuri at malaking karangalan mula sa CNN at tinaguriang “Bayani ng Taon.” Ito ay dahil sa kanyang walang patid na pagtulong sa mga maralitang batang Pilipino na makapag-aral sa pamamagitan ng kanyang programang “Kariton Klasrum.” Tama mga kaibigan, araw-araw sa Metro Manila ay tinutulak ng kanyang grupo ang isang kariton na puno ng mga aklat at kanyang sinisikap na turuan ang mga batang lansangan na bumasa at magsulat.
Dahil sa kanyang walang imbot at totoong pagtulong sa masang Pilipino, lahat ng tao sa buong mundo ay na-antig sa kanyang mabuting gawain. Ako mismo ay naramdaman ang kanyang pagnanais na mapataas ang antas ng pamumuhay ng kanyang kababayan. Ito ay isa sa mga dahilan kung bakit ang Sikat ang Pinoy ng Laganap.com ay nilikha upang maihatid sa buong lahing Pilipino na kaya natin ito at may magagawa tayo kahit maliit na bagay lamang para sa ikauunlad ng bansa. Tayo, katulad ni Efren ay kayang magbahagi ng kanilang buhay para sa ikabubuti ng mas nakakarami.