
Ronnie Alcano sa 1st World Team Pool Championships
Ang koponan ng Pilipinas ay nakapasok sa last 8 o quarterfinals ng kauna-unahang World Team Pool Event na ginaganap ngayon sa Hannover, Germany. Ipinakita ng mga pinoy na mga manlalaro ang kanilang kabihasaan sa larangan ng pool sa pamamagitan ng pangingibabaw sa 8-ball laban sa Norway.
Ang team ng two-time champion na si Ronnie Alcano at dating Asian na hari ng snooker na si Marlon Manalo ay tinalo ang kanilang mga karibal, sa score na 6-5, habang ang mga pares naman nina Lee Van Corteza at Warren Kiamco ay nagtala ng 6-3 upang manalo.
Sa 9-ball naman ay nagtala ng 8-2 na tagumpay si Alcano laban kay Vegar Kristiansen samantalang si Perry Mariano ay nakatala ng iskor na 7-1 laban kay Tommy Wolf sa 10-ball upang maselyohan ang pagkanalo ng mga pinoy.
Sa susunod na round ay makakasama na ang team Pilipinas sa linya ng mga manlalaro na nagmula sa mga bansang Poland, Russia, Great Britain, Tsina, Switzerland, Gresya at Alemanya.
Ayon sa mga Pinoy cue artists, ang Tsina at Great Britain ang mga mahigpit nilang makakalaban sa susunod na round ng laro subalit naniniwala din sila na maaring mag-champion ang grupo.
Mabuhay kayo at sana ay magbigay pa kayo ng maraming karangalan sa ating bansa. Kaya yan!