
Balota - Caricature mula sa Stellify.net
Kilala ang bansa, aminin man natin o hindi, ang isa sa mga may pinakamalawak na dayaan pagdating sa eleksyon o panahon ng halalan. Ito na siguro ang isa sa pinakamasakit na katotohanan na patuloy na nakadikit sa imahe ng bawat pinoy na botante. Laganap kasi ang bayaran at dayaan sa mga nakaarang eleksyon. Dagdag-bawas system din ay nag-origin sa bansa na kung saan ay isang sistema ng pandaraya na hanggang ngayon ay pinangangambahan pa rin ng marami sa kabila ng computerization ng eleksyon.
Kaguluhan, krimen na kaakibat ng init ng politika at karimarimarim na kaganapan na laging kasabay kapag pumapasok ang panahon ng halalan. Ngayon ay ano ang magagawa mo bilang isang maliit na bahagi subalit isa sa mga pinaka-importanteng parte ng kasarinlan ng bansa upang masiguro ang katiwasayan, marapat at malinis na halalan ngayong 2010?
Oo, meron kang responsibilidad bilang isang pinoy upang masiguro mo ang kinabukasan ng bansa. Maging mapagmasid! Maging matalim at hindi na magbulag-bulagan sa maling sistema. Puwede kang maging susi ng pagbabago. Paano? Simulan mo sa sarili mo. Pumili ng tama at ayon sa konsensiya mo. Umasa, magdasal at bumoto ng tama.
Puwede ka ring maging bahagi ng “Iboto mo, Ipatrol mo” o mga katulad ng ganitong programa upang mag-report ng kahit ano mang nakikita mong katiwalian sa iyong lugar. Sa pamamagitan nito ay mabibigyang puna ang mga mali at mawawasto ng mga gumagawa. Kung walang nagmamasid at nagrereklamo, walang titino. Kung kaya’t simulan mo ang pagbabago sa pagkakaroon ng malasakit sa iyong bansa at sa kinabukasan ng iyong mga anak at magiging anak. Iwasan na ang turuan at bangayan ang kailangan ay ang determinadong partisipasyon ng bawat isa para sa magandang kinabukasan.
Huwag mawalan ng pag-asa, may pag-asa pa kung kaya’t simulan mo na. Kaya natin ‘to mga pinoy, sikat yata ang pinoy!