
Gerry Peñalosa (R) at Manny Pacquiao (L)
Ang dating kampeon na si Gerry Peñalosa at kapwa pinoy na boksingero na si Bernabe Concepcion ay mabibigyan ng pagkakataon upang mapatunayan ang kanilang kakayahan sa darating na labanan sa Top Rank’s card na tinaguriang Pinoy Power III na gaganapin sa Hilton, Las Vegas sa darating na ika-13 ng Pebrero (Pebrero 14 sa Pilipinas).
Sa kabila ng edad ni Peñalosa na 37 ay wala pa rin sa kanyang bokabularyo ang mag-retiro sa halip ay susubukan niya pang makasungkit ng isa pang world title. Lalaban siya kay Eric Morel para sa elimination para sa WBO bantamweight title.
Samantala naman si Concepcion ay susubukan muling ibangon ang kanyang karangalan. Kung matatandaan ay natalo siya sa huli niyang laban kay Steven Luevano. Sinabi niya na natuto siya sa nakaraang laban at siguradong gagawin niya ang kanyang makakaya upang makamit ang tagumpay.
Ang Pinoy Power 3 ay ipapalabas sa ABS-CBN sa ika-14 ng Pebrero sa Pilipinas na kung saan ay itatampok si Nonito “The Filipino Flash” Donaire laban kay Gerson “El Nene” Guerrero ng Mexico para sa interim World Boxing Association super flyweight title at Ciso “Kid Terrible” Morales naman laban kay Fernando Montiel for the WBO bantamweight crown.