
Clottey vs Pacquiao
Sa kadahilanang hindi na tuloy ang inaabangang laban nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather Jr., maraming mga pangalan ang lumulutang upang maging katunggali ng itinuturing na Pambansang Kamao ng Pilipinas sa darating na Marso. Una nang naibalita na si Yuri Foreman – ang kasalukuyangang WBA light middleweight champion, ang isa sa maaring makalaban niya. Ngayon naman ay lumalakas ang ugong na posibleng maglaban sila ni Joshua Clottey – ang dating IBF welterweight champ.
Ayon sa adviser ni, Pacquiao na si Mike Koncz, hindi na si Foreman ang nasa unang option na posibleng makalaban ng pinoy ring icon. Si Foreman na may perpektong tala na record na 28-0, 8KOs, na isang Israeli-born na boxer na nakabase sa New York, ay may taas na 5’11″ at reach na 183 cm.
Si Clottey naman ay ipinanganak sa Ghana at ngayon ay nasa New York, USA na rin naninirahan. May taas lamang siyang 5’8″. Kung matatandaan, si Joshua Clottey na matalang record na 35-3, 20 KOs ay ang huling nakalaban ni Miguel Cotto, bago niya hinarap si Pacquiao.
Sinasabing ang Clottey at Cotto na laban ay kontrobersiyal dahil marami ang opinyon na lumalabas na ang Ghanaian boxer daw ang dapat na nanalo sa split decision at hindi ang Puerto Rican na boksingero.
Kahapon ay lumabas sa Facebook account ng Top Rank Promotions ang pagkumpirma ng nasabing laban. Pero, makalipas lamang ng ilang oras ay inalis ang post na’to.
Ito ay maaring isinasagawa pa lamang ang negosasyon hinggil sa naturang laban.