
Pacquiao versus Mayweather
Ang tinaguriang hari ng boksing sa anumang kategorya ng bigat at bayani ng masang Pilipino na si Manny “Pacman” Pacquiao ay maaring lumaban sa numero uno ng Amerika na si Floyd Mayweather Jr. Ito ay pagkatapos na sabihin ni Bob Arum na pinaplantsa na lang nila ang kasunduan sa pagitan ng dalawang boksingero. Pagkatapos ng laban ni Pacquiao kay Cotto nung nakaraang Nobyembre ng kasalukuyan, marami na ang naghihintay sa labanang Mayweather at Pacquiao at dahil dito ay gumalaw na ang bawat grupo upang masakatuparan ang tinuturing na “pinakamayamang” laban na magaganap sa balat ng boksing.
Nabalita rin ngayon sa Inquirer.net na nagkasundo na sila sa hatiang $25 milyon bawat isa (mga humigit kumulang 1.15 bilyong piso). Sa kadahilanang ito ay talagang maghihintay na lamang tayo kung ano ang petsa at kung saan gaganapin ang larong ito. Unang napabalita na sa ika-13 ng Marso ang maaring petsa ng laban subalit sa kadahilanang tatakbo bilang kongressman si Pacquiao sa Saranggani, maaring hindi ito maganap at marahil sa Setyembre na lamang ito.
Ang larong ito ay itinuturing na pinakalamaking laban na haharapin ng bayani ng Pinoy sa larangan ng boksing na si Manny Pacquiao. Kahit siya mismo ay inaaming ito ay napakagandang paglalaban. Sa laban ding ito mapapatunayan kung sino talaga ang pinakamagaling.
Sa ganang akin, si Pacquiao pa rin ang siyang magtatagumpay sa labang ito at kahit ano pa man ang mangyari, hindi na mawawala ang karangalang naibahagi niya sa sambayanang Pilipino. Ito ay isang bagay na hindi na mawawaksi sa isip ng bawat pinoy na kahit saang panig man ng mundo.