
Kadena De Suman ng Pampanga
Kilala ang mga pinoy sa pagkakaroon ng maraming masasarap na kakanin. Isa dito ay ang suman. Ang suman ay isang kakanin na gawa mula sa malagkit na kanin na niluto sa gata, at madalas inii-steamed sa dahon ng saging. Kamakailan nga ay ipinarada sa Pampanga ang tinatawag na kadena-de-suman na kung saan ay pingdugtong-dugtong ang mga suman at umabot ito ng 350 metro ang haba.
Ayon kay Mayor Yolly Pineda, ang paglalatag ng 350 metro ng suman o limang libong suman na pinagkabit-kabit ay isa lamang paghahanda sa mas malaking proyekto para sa nasabing kakanin. Plano ng lungsod na ipasok sa Guinness World Record ang kadena-de-suman bilang pinakamahabang suman sa mundo sa 2010.
Maliban dito, itinuturing din ng pamahalaan ng lungsod ang kadena-de-suman bilang simbulo ng pagkakaisa ng mga mamamayan.Tatlong buwan ang ginugol ng bayan sa paghahanda sa pinakamahabang suman na kung saan ay sampung barangay ng lungsod ang lumahok. Matapos ang ginawang pagparada sa suman, nagpista ang may halos 5,000 tao na nakibahagi sa promosyon ng nasabing kakanin.